Isang tagapagturo si Refuge Rabindranath sa bansang Sri Lanka. Sampung taon na siyang nagtuturo sa mga kabataan. Nakikipaglaro siya sa mga bata, nakikinig sa kanila, ginagabayan at tinuturuan sila. Masaya siyang kasama ang mga kabataan. Pero may pagkakataon na nadidismaya at nalulungkot si Refuge kapag may bata na umaalis at hindi na nagtitiwala kay Jesus.
Minsan, pakiramdam ni Refuge na katulad niya si Simon na binanggit sa Biblia. Sa Aklat ni Lucas, ikinuwento ang tungkol kay Simon. Isang mahusay na mangingisda si Simon. Minsan, nangisda siya buong gabi pero wala siyang nahuling isda (TAL. 5). Nakaramdam siya ng pagod at pagkadismaya. Pero nang sabihin ni Jesus na, “pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat ninyo, at makakahuli kayo ng isda” (TAL. 4 ASD). Sumagot naman si Simon, “Dahil sinabi N’yo, ihuhulog ko ulit ang lambat” (TAL. 5). Tanghaling tapat na noong iutos iyon ni Jesus sa kanila.
Maganda ang ipinakitang pagsunod ni Simon kay Jesus. Kahit alam ni Simon na pumupunta sa pinakailalim ng tubig ang mga isda tuwing tanghaling tapat, sumunod at nagtiwala pa rin siya kay Jesus. Hindi lamang siya nakakuha ng maraming isda, kundi mas nakilala niyang mabuti kung sino si Jesus. Sa pangyayaring iyon, naging “Panginoon” na ang tawag niya kay Jesus na dati ay “Guro” (TAL. 5 AT 8). Ang pakikinig sa mga utos at sinasabi ng Dios ang makapaglalapit sa atin sa Kanya.
Maaaring tinatawag tayong muli ng Dios upang sumunod sa Kanya. Nawa’y ang maging sagot natin sa Kanya, “Dahil sinabi po Ninyo, susunod po ako.”