Lumaki ako sa lugar ng Minnesota na kilala sa mga magagandang lawa. Mahilig ako mamundok at pagmasdan ang mga magagandang nilikha ng Dios. Pero may isang bagay na hindi ko gusto tuwing namumundok kami. Ayaw kong matulog sa tent lalo na kapag umuulan sa gabi. Nababasa kasi ang tulugan namin sa tent matapos ang magdamag na ulan.
Kaya naman namamangha ako kay Abraham na binanggit sa Biblia na nanirahan sa mga tent sa loob ng isang daang taon. Pitumpu’t limang taong gulang si Abraham nang tawagin siya ng Dios para iwan ang kanyang bayan. Nais kasi ng Dios na bumuo ng isang bansa sa pamamagitan ni Abraham (GENESIS 12:1-2). Sumunod si Abraham at nagtiwala sa pangako ng Dios sa kanya. Nabuhay si Abraham na malayo sa kanyang bayan at nanirahan lamang siya sa mga tent hanggang sa siya ay mamatay sa edad na 175 (GENESIS 25:7).
Hindi man katulad ng kay Abraham ang plano sa atin ng Dios, maaari tayong patuloy na maglingkod sa iba habang hinihintay natin ang pangako sa atin ng Dios. Katulad ni Abraham, sa tuwing humaharap tayo sa mahihirap na sitwasyon, magtiwala tayo na darating ang lunsod na “ang nagplano at nagtayo ay ang Dios” (HEBREO 11:10 mbb). Magtiwala tayo na babaguhin tayo ng Dios at maghahanda Siya ng “mas mabuting lugar at itoʼy walang iba kundi ang lungsod na nasa langit” (TAL. 16 ASD).