Malungkot akong nagpaalam sa aking pamangkin. Mapapalayo kasi siya sa amin dahil sa ibang probinsya siya mag-aaral. Apat na taon din siya noong nawalay sa amin nang nasa kolehiyo pa siya. Madali namin siyang napupuntahan dati dahil nasa isang probinsya lang kami. Pero mas magiging malayo siya ngayon kaya hindi na magiging madalas ang aming pagkikita. Kailangan kong magtiwala sa Dios na hindi Niya pababayaan ang aking pamangkin.
Nakaramdam din ng lungkot si Pablo nang magpaalam siya sa mga taga-Efeso. Tinuruan niya sa loob ng tatlong taon ang mga taga-Efeso. Naging malapit siya sa kanila at itinuring na pamilya. Hindi na muling makikita ni Pablo ang mga taga-Efeso dahil pupunta na siya sa Jerusalem.
Pero may magandang payo si Pablo sa mga taga-Efeso bago siya umalis. Ang Panginoon ang patuloy na gagabay sa kanila sa pamamagitan ng “Kanyang salitang nagpapahayag ng Kanyang kagandahang loob” (GAWA 20:32 MBB). Hindi man palaging makakasama ng mga taga-Efeso si Pablo pero palagi nilang kasama ang Dios.
Mahirap ang magpaalam at mapalayo sa ating mga mahal sa buhay. Pero hindi tayo dapat mangamba sa oras na ipagkatiwala natin ang kanilang mga buhay sa Dios. Siya ang magpupuno ng kanilang mga pangangailangan na mas higit pa sa kaya nating ibigay sa kanila.