May isang kuwentong pambata tungkol sa mahirap na lalaki na si Bartolome. Inalis niya ang kanyang sumbrero nang humarap siya sa hari bilang paggalang. Pero ilang sandali lang nagkaroon na naman ng sumbrero sa ulo si Bartolome. Nagalit ang hari dahil akala niya ay hindi siya iginagalang nito kaya inaresto si Bartolome. Habang dinadala siya sa palasyo para parusahan, maya’t maya siyang nagpapalit ng iba’t ibang sumbrero. Mula sa simpleng sumbrero, gumanda ito nang gumanda. Nagkakaroon din ito ng iba’t ibang disenyo. Nagandahan at nainggit ang hari sa ika-500 na sumbrero ni Bartolome. Dahil dito, binili ng hari sa halagang 500 pirasong ginto ang sumbrero. Pinalaya si Bartolome at umuwing may pera para sa kanyang pamilya.
May isang babaing balo naman ang binanggit sa Biblia na lumapit kay Propeta Eliseo. Humingi ng tulong ang babaing balo kay Eliseo para hindi makuha ang kanyang mga anak bilang pambayad sa kanilang utang (2 HARI 4). Tinulungan naman ng Dios ang balo sa pamamagitan ng pagpupuno ng langis sa kanyang banga at sa mga hiniram pa niyang mga banga. Sa gayon, nabayaran niya ang kanyang mga utang at nagkaroon pa sila ng pangtustos sa araw-araw (TAL. 7).
Tinulungan ng Dios ang babaing balo na mabayaran ang kanyang utang. Gayon din naman, tinulungan ako ng Dios sa pagkalugmok ko sa kasalanan. Binayaran ng Dios ang kaparusahan ng aking kasalanan. Iniligtas Niya ako at binigyan pa ng buhay na walang hanggan. Ililigtas din naman ng Dios ang lahat ng magtitiwala kay Jesus at bibigyan Niya ng buhay na walang hanggan.