Nalaman kong kailangan akong operahan dahil sa aking sakit sa puso noong Nobyembre 2015. Nabigla ako at nag-alala. Marami pa naman akong alalahanin. Kung maging matagumpay man ang operasyon ay siguradong ilang buwan din ang lilipas bago ako makapagtrabaho muli. Sino ang gagawa ng naiwan kong trabaho? Ito ang panahon na kailangan kong gumawa ng paraan at manalangin.
May pagkakataon na nananalangin ako, naaalala ko ang hirap at pagod naidinulot ng aking sakit sa puso. Nakakatulog ako agad at hindi ko na natatapos ang aking panalangin. Hindi ko masabi sa Dios na kailangan ko pang mabuhay ng mas matagal para makasama ko pa ang aking pamilya.
Nababagabag naman ako dahil nahihirapan akong ituon ang isip sa pananalangin. Sa mga ganitong pagkakataon, alam ko na nalalaman ng Dios ang nangyayari sa akin. Alam ko na naghanda Siya ng dalawang paraan para sa mga panahon na nahihirapan tayong manalangin. Ang una ay ang pagtulong ng Banal na Espiritu sa tuwing nananalangin tayo (ROMA 8:26). Ang ikalawa naman ay pananalangin ng ibang tao para sa atin (SANTIAGO 5:16; GALACIA 6:2).
Nakapagbibigay sa akin ng lakas ng loob ang malaman na lagi akong tinutulungan ng Banal na Espiritu na iparating sa Dios ang aking mga dalangin. Nagagalak din akong malaman na idinadalangin ako ng aking mga mahal sa buhay. Isang magandang paalala na dinirinig ng Dios ang ating mga idinadalangin sa mga panahong hindi natin masabi ang mga bagay na nais nating sabihin.