Isang libro ang matagal nang ibinebenta sa loob ng maraming taon. Naisip ng manunulat nito na dapat na itong baguhin at isaayos muli. Pero nang matapos itong isaayos, nagkamali ang taga-imprenta nito. Sa halip na ang isinaayos na libro ang maimprenta, ang lumang laman ng libro ang nailagay nila. Ang pabalat ng libro ay bago pero luma ang laman.
Minsan, may pagkakatulad ang ginagawa natin sa pangyayaring iyon. May mga pagkakataon na nais nating baguhin ang ating buhay. Inaayos at binabago natin ang ating panlabas na anyo pero nananatili pa rin ang masama nating ugali. Maaaring makaya nating baguhin ang ating panlabas na anyo. Pero tanging ang Dios lamang ang may kakayahang baguhin ang masasama nating paguugali at gawing tulad ng Kanyang magagandang katangian.
Mababasa natin sa Biblia ang kuwento ni Nicodemo. Nalalaman ni Nicodemo na si Jesus ay “mula sa Dios” (JUAN 3:2). Kaya naman, hindi pangkaraniwan ang kanyang tanong kay Jesus (TAL. 4). Sumagot naman si Jesus sa paraan na maiisip ni Nicodemo na malibang ipanganak muli ang tao ay hindi siya makakapasok sa kaharian ng Dios. Ang tinutukoy ni Jesus na kapanganakang muli ay ang pagiging isang bagong nilalang (TAL. 7).
Maipapanganak tayong muli o magiging isang bagong nilalang kung magtitiwala tayo kay Jesus. Sinabi sa Biblia, “Ang sinumang na kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya” (2 COR. 5:17). Tanging ang Dios ang may kakayahang baguhin ang ating mga buhay. Magtiwala tayo kay Jesus na siyang magbabago ng nilalaman ng ating mga puso at ang lahat ng bagay dito sa mundo.