Ipinaguhit ang batang si Charlotte ng larawan ng kanyang sarili noong unang araw ng pasok nila sa eskuwelahan. Puro bilog ang naiguhit niya para sa mata, mukha at katawan. Ipinaguhit ulit sa kanya ang kanyang sarili noong huling araw na ng kanilang pasukan. Sa pagkakataong iyon, maliwanag na batang babae na ang naiguhit niya. Sa ipinagawang iyon, ipinapakita na mas natututo ang tao sa pagdaan ng panahon.
Madali para sa ating intindihin na mabagal talagang matuto ang mga bata. Pero kapag nakikita natin ang ating sarili at ang iba na mabagal ang paglago sa ating relasyon sa Dios, nawawalan tayo ng pasensya. Natutuwa tayo kapag nakikita sa buhay natin ang bunga ng Espiritu (GALACIA 5:22-23). Pero nalulungkot naman tayo kapag nagkakasala tayo. May sinasabi ang sumulat ng Hebreo tungkol sa mabagal na paglago ng mga nagtitiwala kay Jesus doon. Sinabi niya sa kanila, “Dapat mga tagapagturo na sana kayo dahil matagal na kayo sa pananampalataya. Ngunit hanggang ngayon ay kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Dios” (HEBREO 5:12 ASD).
Habang pinatatatag natin ang ating relasyon sa Dios, ipanalangin at tulungan natin ang mga nahihirapa sa kanilang paglago. Sabihin natin ang totoo sa kanila nang may pagmamahal. Palakasin natin ang loob ng bawat isa upang “lumago tayong lahat sa Kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo” (EFESO 4:15).