Magandang pakinggan ang panalangin ng mahal natin sa buhay para sa atin. Masaya ring malaman na dahil sa kabutihan ng Dios, makatitiyak tayo na naririnig Niya ang mga panalangin natin.
Kung minsan, hirap tayo sa pag-iisip ng mga tamang salita kapag nananalangin. Minsan naman, nahihiya tayo sa Dios dahil sa mga pagkukulang natin sa Kanya. Magkagayon man, hindi tayo dapat sumuko sa pananalangin tulad ng itinuro ni Jesus sa mga nagtitiwala sa Kanya. Sabi Niya, “Dapat laging manalangin at huwag manlupaypay” (LUCAS 18:1). Magagawa natin ito dahil si Jesus mismo ay “nasa kanang kamay ng Dios at namamagitan para sa atin” (ROMA 8:34).
Hindi tayo nananalanging mag-isa dahil nananalangin si Jesus para sa atin. Dinirinig Niya ang ating panalangin at kinakausap Niya ang Dios Ama alangalang sa atin. Walang higit na nakakaintindi sa atin kundi si Jesus kaya hindi tayo dapat mag-alala kahit na minsa’y hindi natin alam ang sasabihin natin. Tinutulungan tayo ni Jesus, inilalapit Niya ang ating mga pangangailangan sa Dios. Alam din Niya kung hindi makabubuti para sa atin ang mga hinihiling natin na sagot sa ating mga panalangin.
Si Jesus ang ating tapat at mabuting kaibigan na namamagitan para sa atin. Napakabuti ng mga panalangin Niya para sa atin. Huwag nawa tayong magsawang manalangin nang may pasasalamat.