Muling naalala ni Marc ang isang pangyayari sa kanyang buhay. Ipinatawag sila noon ng kanilang ama para sabihin ang malaking problemang hinaharap nila. Malapit na raw maubos ang pera nila sa katapusan ng buwan at nasira rin ang kanilang sasakyan. Nang masabi iyon ng kanyang ama, nanalangin siya. Pagkatapos, sinabi niyang asahan nila na tutugon ang Dios.
Tumugon nga ang Dios. May nagmabuting loob na ayusin ang sasakyan nila. May dumating na pera at may nagbigay din ng pagkain. Naging madali para sa kanila na magpuri sa Dios pero nabuo iyon sa kabila ng mga problemang hinaharap nila.
Nagpuri rin sa Dios si Haring David. Sinabi niya sa Awit 57, “Purihin Ka nawa, O Dios, sa rurok ng kalangitan” (TAL. 11 mbb). Maaaring maisip natin na sinasabi ito ni David habang payapang nakatingin sa langit o kaya nama’y habang umaawit sa lugar kung saan sila sumasamba. Pero ang totoo, nagtatago siya noon sa loob ng kuweba dahil may gustong pumatay sa kanya.
Kahit napapaligiran si David ng mga kaaway na parang leong handang lumapa ng tao (TAL. 4), naisulat pa rin niya ito, “Ang aking puso ay tapat, o Dios…ako’y aawit ng mga papuri!” (TAL. 7). Ang pagpupuri ni David ay nabuo naman sa kabila ng panganib.
Anuman ang haharapin nating problema, maaari tayong humingi ng tulong sa Dios. Makakaasa tayo na tutulungan Niya tayo. Purihin natin Siya habang hinihintay natin ang Kanyang pagtugon.