Sang-ayon ang mga eksperto na malaking oras ang nauubos araw-araw sa mga nakakagambala sa atin. Sa bahay man o sa trabaho, ang isang tawag sa telepono o ang hindi inaasahang pagbisita ng isang kakilala ay nakakapagpalihis ng ating atensyon sa mga bagay na nakatakda sana nating gawin.
Marami sa atin ang hindi natutuwa kapag may mga bigla nalang gagambala sa atin lalo na kung nagugulo nito ang ating mga plano. Pero iba ang tugon ni Jesus sa mga gumagambala sa Kanya. Mababasa natin sa Bagong Tipan ng Biblia na humihinto si Jesus sa anumang ginagawa Niya kapag may nakita Siyang nangangailangan ng Kanyang tulong.
Noong naglalakad si Jesus papuntang Jerusalem, sumigaw ang isang bulag, “Jesus! Anak ni David, maawa Ka sa akin” (LUCAS 18:35-38). Sinaway siya ng ilan pero patuloy niyang tinawag si Jesus. Huminto si Jesus at tinanong ang bulag, “Ano ang gusto mong gawin Ko sa iyo? Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakakita ka na! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (TAL. 41-42 ASD).
Kapag nagulo ang mga plano natin dahil may taong gumambala sa atin na talaga namang nangangailangan, humingi tayo ng karunungan sa Dios kung paano natin tutulungan ang taong iyon nang may kahabagan. Maaaring ang mga gambalang tulad nito ay ipinahintulot ng Dios na dumating sa araw na iyon para harapin natin.