Dinala ni Betty at ng kanyang asawa ang kanilang anak sa ospital dahil napakasama ng pakiramdam nito. Naging payapa lang ang loob ni Betty pagkaraan ng ilang oras nang tiyakin sa kanya ng mga doktor at nars na gagaling ang kanyang anak at aalagaan nila ito. Habang nag-aalala siya sa kalagayan ng kanyang anak, naisip ni Betty na may Dios na nagmamahal bilang isang mabuting magulang. Inaalagaan Niya ang Kanyang mga anak at ginagawang panatag ang loob kapag may problema.
Sa aklat naman ng Deuteronomio, ipinaalala ng Dios sa mga Israelita kung paanong inalagaan sila ng Dios noong nagpalibot-libot sila sa liblib na lugar. Inalagaan Niya ang mga Israelita bilang isang mapagmahal na magulang. Hindi sila kailanman iniwan o pinabayaan ng Dios. Gaya ng agila, “ibinubuka Niya ang Kanyang mga pakpak para saluhin at buhatin sila” (32:11 ASD). Nais ng Dios na alalahanin ng mga Israelita na hindi Niya sila pinabayaan noong nakakaranas sila ng paghihirap sa lugar na iyon.
Tayo rin ay nakakaranas ng iba’t ibang problema pero tandaan natin na hindi rin tayo pababayaan ng Dios. Tulad ng agila, sasaluhin tayo ng Kanyang mga pakpak kapag nahuhulog tayo dahil sa mga problema sa buhay (TAL. 11). Bibigyan tayo ng Dios ng kapayapaan.