Minsan, napakinggan ko ang isang kanta tungkol sa isang taong sumulat para sa kanyang sarili na nasa nakaraang panahon. Sabi sa kanta, “Kung makakabalik ka sa nakaraan na dala ang lahat ng mga natutunan mo sa kasalukuyan, ano kaya ang sasabihin mo sa iyong mas batang sarili?” Napaisip tuloy ako kung anong mga payo at babala ang sasabihin ko sa sarili ko noong wala pa itong masyadong alam sa mundo. Darating sa buhay natin na mapapa-isip tayo kung ano ang mga babaguhin natin sakaling bigyan tayo ng pagkakataong makabalik sa nakaraan.
Ipinaparating sa kanta na kahit na marami tayong mga pinagsisisihan sa nakaraan, iyon ang humubog sa ating pagkatao. Hindi na tayo makakabalik sa nakaraan at hindi na rin natin mababago ang kinahinatnan ng mga mali nating desisyon at kasalanan. Pero salamat sa Dios dahil hindi natin kailangang pasanin ang mga pagkakamaling nagawa natin. Sinasabi sa Biblia, “Sa pamamagitan ng Kanyang malaking kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa mga patay” (1 PEDRO 1:3).
Kung magtitiwala tayo kay Jesus at magsisisi sa ating mga kasalanan, patatawarin Niya tayo. Isa na tayong bagong nilalang sa oras na iyon (2 CORINTO 5:17). Anuman ang mga nagawa nating kasalanan o magagawa pa, pinatawad na tayo dahil sa ginawa ni Jesus para sa atin. Malaya na tayo mula sa ating nakaraan dahil kay Cristo!