Nang pakiusapan kaming mag-asawa ng mga kapwa namin nagtitiwala kay Jesus kung maaaring magdaos ng pagtitipon sa aming bahay, naisip ko agad na tumanggi. Nag-alala kasi ako na baka hindi kami magkasya sa maliit naming bahay. Inalala ko rin na baka hindi namin sila mapakain nang maayos dahil wala akong hilig sa pagluluto at baka kapusin rin kami sa pera. Iniisip ko rin na wala kaming kakayahang manguna sa mga tatalakayin namin sa grupo. Pakiramdam ko talaga’y kulang ang aming kakayahan at maging ang mga bagay na mayroon kami para tugunan ang mga kailangan para sa mga pagtitipon. Pero sa kabila ng aming mga alalahanin, pumayag pa rin kami dahil nais naming maglingkod sa Dios at sa aming komunidad. Sa limang taong pagdaraos nito sa aming bahay, masaya pa rin naming ginagawa ito.
Nag-atubili rin noon ang lalaking nagdala ng tinapay sa lingkod ng Dios na si Eliseo. Sinabihan ni Eliseo ang lalaki na ibigay sa mga propeta ang dala niyang 20 pirasong tinapay. Noong una’y nag-alinlangang sumunod ang lalaki dahil sa tingin niya’y hindi magkakasya ang dala niyang tinapay para sa 100 katao. Pero dahil sa sumunod pa rin siya, tinanggap ng Dios ang bigay niyang ito. Nakakain ang lahat at may natira pa (2 HARI 4:44).
Kung sa tingin din nati’y kulang ang ating kakayahan at hindi sapat ang ating maibibigay, tandaan natin na tatanggapin ng Dios ang anumang ibibigay natin bilang pagsunod sa Kanya. Siya ang kumikilos para maging sapat ang ipinagkaloob natin.