Minsan, mamimingwit ang asawa ko kasama ang batang si Cleo. Unang beses palang iyon ni Cleo na mamingwit. Magsisimula na sana siya pero natigilan siya nang makita ang mga bulateng pangpain sa isda. Takot siya sa bulate kaya humingi pa siya ng tulong sa asawa ko. Ang kanyang takot ang pumigil sa kanya para mamingwit.
Hindi lang mga bata ang naaapektuhan ng takot. Mababasa natin sa Biblia na natakot din marahil si Gideon nang puntahan siya ng anghel ng Dios. Palihim siyang naggigiik noon ng trigo para hindi siya makita ng kanilang mga kaaway (HUKOM 6:11). Sinabi sa kanya ng anghel na siya ang pinili ng Dios na manguna sa mga Israelita sa pakikipaglaban (TAL. 12-14).
Ano ang naging tugon ni Gideon? Sabi niya, “Pero, Panginoon, paano ko po maililigtas ang Israel? Ang pamilya po namin ang pinakamahina sa lahi ni Manase at ako naman po ang pinakawalang kwenta sa pamilya namin” (TAL. 15 ASD). Mukhang takot pa rin si Gideon kahit na tiniyak sa kanya na tutulungan siya ng Dios. Humingi muna siya ng tanda na talagang siya ang gagamitin ng Dios para iligtas ang Israel (TAL. 36-40). Tumugon naman ang Dios sa mga hiling ni Gideon. Nagtagumpay ang mga Israelita sa labanang iyon at naranasan nila ang kapayapaan sa loob ng 40 taon.
Marami rin tayong takot. Itinuturo sa atin ng kuwento ni Gideon na pagtiwalaan ang Dios. Magtiwala tayo na kapag may nais ipagawa sa atin ang Dios, bibigyan Niya tayo ng lakas at kakayahan para magawa ito.