Lubos akong nag-alala nang ooperahan sa mata ang aking anak. Habang naghihintay kami ng asawa ko, ninerbyos ako at napuno ng takot. Nanalangin ako sa Dios na bigyan Niya ako ng kapayapaan noong mga oras na iyon. Habang binubuklat ko ang aking Biblia, naalala ko ang Isaias 40. Naisip ko na baka may maiturong bagong aral ang kabanatang ito sa akin.
Nagpalakas ng aking loob ang sinasabi sa talatang 11 ng Isaias 40. Sinasabi roon na ang Dios ay “tulad ng pastol” na nagpapakain ng kanyang mga tupa. Nawala ang takot ko nang mabasa ko iyon. Napagtanto ko na ang Panginoon ang siyang humahawak, gumagabay at nag-aalaga sa atin. Iyon ang talagang kinakailangan ko nang mga oras na iyon. Naramdaman ko ang kapayapaan na mula sa Dios habang isinasagawa ang operasyon sa anak ko at maging noong matapos ito. Salamat sa Dios at naging matagumpay ang resulta ng operasyon.
Sa pamamagitan ni propeta Isaias, ipinaabot ng Dios ang Kanyang pangako sa mga Israelita na Siya ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila at magbibigay sa kanila ng kapanatagan. Mararanasan din natin ang pagaalaga ng Dios kung sasabihin natin sa Kanya ang ating mga alalahanin at damhin ang Kanyang pag-ibig at kapayapaan. Alam nating ang Dios ang Mabuting Pastol na yumayakap at bumubuhat sa atin.