May sinabi ang manunulat na si Mark Labberton tungkol sa kahalagahan ng mga itinatawag sa atin. Sabi niya, “Ramdam ko pa rin ang malaking epekto ng itinawag sa akin ng kaibigan kong mahusay sa musika. Binansagan niya ako na ‘mahimig’. Siya lang ang tumawag sa akin ng gano’n. Hindi naman ako tumutugtog ng instrumento at hindi rin nangunguna sa pagkanta. Pero napansin niya na may alam ako sa musika at malaki ang pagpapahalaga ko rito. Naramdaman ko ang pagmamahal at pagpapahalaga niya sa tunay na ako.”
Marahil, ganito rin ang naramdaman ni Simon nang tawagin siya ni Jesus sa bagong pangalan. Kahit alam ni Jesus ang pagiging pabigla-bigla ni Simon, mas tumingin Siya sa kung sino talaga si Simon at kung ano ang magagawa nito sa hinaharap. Alam ni Jesus na may kakayahan si Simon na pangunahan ang mga sumasampalataya sa Dios. Dahil doon, tinawag siya ni Jesus na Cefas (o Pedro sa wikang Aramaic) na ang ibig sabihin ay bato. (JUAN 1:42; MATEO 16:18).
Ganito rin ang Dios sa atin. Nakikita Niya ang ating kayabangan, galit at kawalan ng malasakit sa iba. Pero alam din Niya kung sino talaga tayo dahil kay Cristo. Tinawag Niya tayong ‘matuwid’ at ‘kaibigan’ (ROMA 5:9-10); ‘pinatawad’, ‘banal’ at ‘minamahal’ (COLOSAS 2:13; 3:12); ‘pinili’ at ‘tapat’ (PAHAYAG 17:14). Tandaan natin na kung paano tayo nakikita ng Dios, iyon ang magsasabi kung sino talaga tayo).