Minsan, nakasama kong kumain ang kapatid ko at ang kanyang mga anak. Nang malapit na kaming matapos kumain, sinabi ng kapatid ko sa anak niyang si Annica na maghanda nang matulog. Mangiyak-ngiyak namang sinabi ni Annica, “Pero hindi pa ako kinakarga ni Tita Monica.” Nakangiting sumagot ang kapatid ko, “Sige, kakargahin ka muna niya bago ka matulog."
Habang karga ko si Annica, natutuwa ako dahil lagi niyang naipapaalala sa akin kung paano magmahal at mahalin kahit hindi niya iyon napapansin. Nakakalimutan naman natin minsan na bilang mga nagtitiwala kay Jesus, bahagi na ng buhay natin ang lubos na maranasan ang pagmamahal ng Dios nang higit pa sa inaakala natin (EFESO 3:18). Kapag hindi natin ito nabibigyan ng pansin, maaari tayong matulad sa nakatatandang kapatid ng alibughang anak sa Biblia. Tulad niya, maaaring isipin natin na kailangan muna nating magsikap para lamang tanggapin tayo ng Dios. Hindi tuloy natin napapansin ang mga naibigay o nagawa na ng Dios para sa atin (LUCAS 15:25-32).
Makakatulong sa atin ang panalangin sa Awit 131 upang tayo’y “maging tulad sa mga bata” (MATEO 18:3) na inaalis sa isipan ang mga hindi natin lubusang maunawaan (AWIT 131:1). Maglaan tayo ng oras sa Dios para tulad ng mga sanggol na nasa bisig pa ng kanilang ina ay maging mapayapa tayo at makasumpong ng pag-asa mula sa pagmamahal ng Dios (TAL 2-3).