Isang mabuting asawa, ama, guro at coach si Jay Bufton. Malapit na siyang mamatay dahil sa sakit na kanser. Ang kuwarto niya sa ospital na may numerong 5020 ay nagsilbing lugar ng pag-asa para sa kanyang pamilya, kaibigan at mga nagtatrabaho sa ospital. Dahil sa pagiging masayahin ni Jay at sa kanyang matibay na pananampalataya sa Dios, gusto ng mga nars na siya ang maalagaan nila. May iba ring nars na bumibisita kay Jay kahit na wala silang pasok.
Nahihirapan man sa sakit, handa lagi si Jay na bumati at magpalakas ng loob ng kahit na sino. Ang sabi ng kaibigan niya, “Sa tuwing bibisitahin ko si Jay, masaya siya lagi at puno ng pagasa. Makikita sa buhay niya ang kanyang pananampalataya kahit na malubha ang sakit niya at malapit nang mamatay.”
Sa burol ni Jay, binanggit ng isang tagapagsalita na may espesyal na kahulugan ang 5020. Iniugnay niya ito sa Genesis 50:20. Tungkol ito sa sinabi ni Jose sa mga kapatid niyang nagbenta sa kanya para maging alipin. Sinabi ni Jose sa kanila na kahit masama ang ginawa nila, ginamit iyon ng Dios para sa isang mabuting layunin, ang pagliligtas sa marami. Ginamit rin ni Jay ang kanyang malubhang sakit para maisakatuparan ang mabuting layunin ng Dios, ang pagbahagi ng tungkol kay Jesus.
Napakaganda ng iniwang pamana ni Jay, ang kanyang ‘di matinag na pagtitiwala kay Jesus. Nanalig siya sa mabuti at mapagkakatiwalaang Dios.