Sa isang museo sa Amerika, nakita ko ang isang obra na pinamagatang “The Wind.” Makikita sa larawan na dahil sa malakas na ihip ng hangin, nasa iisang direksiyon lamang ang mga puno at halaman.
Magagawa naman ng Banal na Espiritu na gabayan ang mga nagtitiwala kay Jesus sa direksyon patungo sa nais ng Dios. Kung susunod tayo sa Banal na Espiritu, mas magiging malakas ang ating loob at mas magiging mapagmahal tayo. Mas matututunan din natin kung paano pigilin ang ating mga sarili (2 TIMOTEO 1:7).
Minsan naman, kahit na ginagabayan tayo ng Banal na Espiritu upang tayo’y patuloy na magbago at lumago, pinipili nating hindi sumunod. Ang pagsuway nating ito ay ang sinasabi sa 1 Tesalonica 5:19 na paghadlang sa nais gawin ng Banal na Espiritu. Hindi na tuloy ganoon kasama ang tingin natin sa mga itinuturing nating masasamang gawain noon.
Kapag nararamdam natin na malayo tayo sa Dios, marahil, dahil ito sa hindi natin pagsunod sa udyok ng Banal na Espiritu. Habang nananatili tayo sa ganitong sitwasyon, mas mahirap nang matukoy kung saan talaga nagmula ang problema nating ito. Buti na lang at maaari nating hilingin sa Dios na ihayag sa atin ang ating mga kasalanan. Kung tatalikod tayo sa mga kasalanan natin at muling magpapasakop sa nais ng Dios, patatawarin Niya tayo at papanumbalikin ang kapangyarihan at pag-udyok ng Banal na Espiritu sa atin.