Ang modernong lungsod ng Jerusalem ay naitayo gamit ang mga nadurog na bato mula sa mga naganap na digmaan noong unang panahon. Nang pumunta kami ng pamilya ko sa Jerusalem, naglakad kami sa Via Dolorosa. Pinaniniwalaan na doon dumaan si Jesus papunta sa lugar kung saan Siya ipapako. Napakainit nang dumaan kami roon kaya pumunta muna kami sa isang mas malamig na lugar. Nakita ko sa napuntahan naming iyon ang mga sinaunang bato na may nakaukit na larawan ng mga laro ng mga sundalong Romano noon. Ang paglalaro ang ginagawa nilang pampalipas-oras kapag wala silang magawa.
Dahil sa mga batong iyon, nagbulay-bulay ako tungkol sa aking relasyon sa Dios. Tulad ng isang sundalong naiinip at nagpapalipas lang ng oras, naisip ko na naging masyado akong kampante at hindi na ganoon kasidhi ang pagmamahal ko sa Dios at sa ibang tao. Naantig din ang aking damdamin nang maalala ko na malapit lang ako sa lugar kung saan hinagupit, nilibak, ininsulto at inabuso ang Panginoong Jesus dahil sa aking mga kasalanan.
“Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, Siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa Kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng Kanyang mga latay ay gumaling tayo” (ISAIAS 53:5).
Ipinaalala sa akin ng mga batong iyon ang napakadakilang kagandahang loob at pagmamahal ni Jesus na higit pa sa lahat ng aking mga kasalanan.