Minsan, may narinig akong pumutok mula sa aming kusina. Dali-dali akong pumunta roon. Naiwan ko pa lang nakabukas ang initan ng kape. Tinanggal ko ito agad sa saksakan at hinawakan ang ilalim nito. Gusto ko kasing tiyakin na hindi na ito gaanong mainit kapag inilapag ko sa mesa. Pagkahawak ko, napaso ang aking mga daliri.
Napapailing na lang ako habang ginagamot ako ng aking asawa. Alam ko naman kasi na mainit iyon pero hindi ko maintindihan kung bakit ko pa rin iyon hinawakan.
Dahil sa pagkakamali ko, naalala ko ang naging reaksyon ni Apostol Pablo tungkol sa kasalanan.
Aminado si Pablo na hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa niya pa rin ang mga hindi niya dapat gawin at ang mga ayaw niyang gawin (ROMA 7:15). Sinabi ni Pablo na malalaman sa pamamagitan ng kautusan kung ano ang tama at mali (TAL. 7). Gayundin, naniniwala siya na laging naglalaban ang likas na pagkatao at ang espiritu pagdating sa kasalanan (TAL. 15-23). Dahil sa pag-amin ni Pablo ng kanyang mga kasalanan, nakapagbibigay siya ng pag-asa na kayang mapagtagumpayan ang kasalanan (TAL. 24-25).
Ipagkakaloob sa atin ng Dios ang Banal na Espiritu kung isusuko natin ang buhay natin kay Cristo. Ang Banal na Espiritu ang magbibigay sa atin ng kakayahan na piliing gawin kung ano ang tama (8:8-10). Sa tulong Niya, maiiwasan natin ang kasalanan na nagiging hadlang sa masaganang buhay na ipinangako ng Dios sa mga nagmamahal sa Kanya.