Masayang-masaya ako sa tuwing pinagmamasdan ko ang Grand Canyon. Hindi ko maiwasang mamangha sa nilikhang iyon ng Dios.
Kahit na isang napakalaking butas lamang sa lupa ang Grand Canyon, ipinapaalala nito sa akin ang langit. Sobrang ganda kasi nito. Minsan, may batang nagtanong sa akin, “Nakakainip kaya sa langit? Nakakasawa kayang magpuri sa Dios doon?” Naisip ko, kung sa isang malaking butas ay lubos na tayong namangha at hindi tayo nagsasawang pagmasdan ito, paano pa kaya kung darating ang panahon na makikikita na natin ang lumikha ng butas na iyon? Lubos tayong mamamangha kung ating mapagmamasdan ang kagandahan ng mapagmahal na Manlilikha.
Ipinakita naman ni Haring David ang lubos niyang pananabik sa Dios. Sinabi niya, “Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon, na aking hahanapin; na ako’y makapanirahan sa bahay ng Panginoon, sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon” (AWIT 27:4). Wala nang makahihigit pa sa kagandahan at kaningningan ng Dios. Higit natin itong masasaksihan kung buong pagtitiwala natin Siyang hahanapin at maging sabik na makita Siya.
Sa pagdating ng araw na nasa langit na tayo, hindi tayo magsasawang magpuri sa ating kamangha-manghang Dios dahil sa mga bago nating malalaman tungkol sa Kanyang kabutihan at sa kagandahan ng mga likha Niya. Sa bawat saglit na kasama natin Siya, lalo tayong mamamangha sa Kanyang kagandahan at pag-ibig.