Plano namin ng anak ko na pumunta sa isang pagtitipon ng mga kamag-anak namin. Medyo malayo ang lugar kung saan idadaos ang pagtitipong iyon. Dahil doon, kinabahan ang anak ko kung siya ang magmamaneho kaya nagprisinta ako na ako nalang. Tinanong niya ako kung kaya ko bang imaneho ang sasakyan niya. Mas panatag kasi ang pakiramdam niya sa kanyang sasakyan. Itinuturing niya ito na kanyang ligtas na kanlungan.
Sa Lumang Tipan naman ng Biblia, ang mga tore at pader ang nagsisilbing kanlungan ng mga tao noon mula sa anumang panganib. Naisip ko tuloy kung mayroon din ba akong itinuturing na ligtas na kanlungan. Naalala ko ang sinasabi sa Kawikaan 18:10, “Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan; kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.” Nais iparating ng sumulat ng kawikaang iyon na ang pangalan ng Panginoon na naglalarawan sa pagiging Dios Niya at sa lahat ng Kanyang katangian ang siyang nagbibigay sa mga Israelita ng tunay na proteksyon.
May mga lugar dito sa mundo na maituturing nating ligtas na kanlungan mula sa kapahamakan. Halimbawa nito ang isang matibay na gusali kapag may bagyo, ospital kung may karamdaman at maging yakap ng isang mahal sa buhay kapag may problema.
Ano ang iyong ligtas na kanlungan? Sa tuwing nais natin na maging panatag ang ating kalooban, ang katotohanang naroon ang Dios sa lugar na iyon ang nagbibigay sa atin ng kalakasan at proteksyon na kailangan natin.