Noong mga bata pa kami ng kapatid kong lalaki, madalas kaming mag-away.
Nababagay ang kuwento namin sa Aklat ng Genesis. Makikita kasi rito ang mga kuwento ng magkakapatid na nagkaroon ng 'di pagkakaunawaan tulad nina Cain at Abel (GEN. 4); nina Isaac at Ismael (GEN. 21:8-10); at ni Jose at ng mga kapatid niya (GEN. 37). At kung away-magkapatid ang pag-uusapan, wala na yatang mas titindi pa sa away nina Esau at Jacob.
Nais ni Esau na patayin si Jacob dahil nilinlang siya nito (GEN. 27:41). Nagkasundo naman sila pagkaraan ng maraming taon (GEN. 33) pero nagpatuloy ang hidwaan sa pagitan ng mga susunod nilang lahi. Sila ang mga taga Edom at mga Israelita. Noong naghahanda ang mga Israelita sa pagpasok sa Lupang Pangako, ayaw silang padaanin ng mga taga Edom (BILANG 20:14-21). Paglipas pa ng ilang taon, pinatay ng taga Edom ang ilan sa mga Israelita (OBADIAS 1:10-14).
Sa kabila ng malulungkot na kuwento sa Biblia, mababasa rin naman natin dito ang pagliligtas ng Dios. Binago ni Jesus ang lahat. Sinabi Niya, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay Ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa” (JUAN 13:34). Ipinakita ni Jesus ang pagmamahal Niya sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay para sa atin.
Habang lumalaki kami ng kapatid ko, unti-unti kaming naging malapit sa isa’t isa. Dahil sa pagpapatawad at kagandahang-loob ng Dios, natututong magmahalan ang magkakapatid.