Inalagaan ng kaibigan ko ang kanyang biyenan. Minsan, tinanong niya ang kanyang biyenan kung ano talaga ang makapagpapasaya sa kanya. Sumagot naman ang kanyang biyenan, “Gusto ko sanang hinuhugasan ang aking mga paa.” Hindi talaga gusto ng kaibigan ko na gawin ang bagay na iyon. Sa tuwing nagpapahugas ng paa ang kanyang biyenan, naiinis siya. Humihingi pa siya ng tulong sa Dios para hindi makita ng kanyang biyenan ang pagkainis niya.
Pero isang araw, nagbagong bigla ang kaibigan ko. Nang huhugasan niya ang paa ng kanyang biyenan, naisip niya na para bang ang paa mismo ni Jesus ang huhugasan niya. Pagkatapos noon, itinuring na niyang isang pribilehiyo ang paghuhugas ng paa ng kanyang biyenan.
Nang marinig ko ang kuwentong iyon ng kaibigan ko, naisip ko naman ang itinuro ni Jesus sa Bundok ng Olibo tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Ikinuwento ni Jesus na sa darating na panahon, sasalubungin Niya ang Kanyang mga anak. Sasabihin Niya sa kanila na noong binisita nila ang mga may sakit at pinakain ang mga nagugutom, para na rin nila itong ginawa para sa Kanya. (MATEO 25:40). Si Jesus din mismo ang pinaglilingkuran natin kapag binibisita natin ang mga bilanggo o nagbibigay tayo ng damit sa mga nangangailangan.
Tulad ng aking kaibigan, tumulong din nawa tayo sa ating kapwa kahit ang mga hindi natin kakilala. Maglingkod tayo sa kanila na parang si Jesus mismo ang ating pinaglilingkuran.