Magkasunod ang kaarawan namin ng aking ina. Noong wala pa akong sariling pera, pinag-iisipan kong mabuti ang ireregalo ko sa kanya na kahit mura lang ay masisiyahan pa rin siya. Nagugustuhan naman niya ang mga regalo ko sa kanya. Lagi namang higit na maganda at mamahalin ang mga regalo niya sa akin. Hindi naman niya intensyong daigin ang regalo ko, nagkataon lang na mas may kakayahan siyang magbigay ng mas mahal.
Ipinaalala nito sa akin ang hangarin ni Haring David na magpagtayo ng templo para sa Dios. Napansin kasi niya na napakaganda ng kanyang palasyo kumpara sa tahanan ng Dios. Pero sa halip na tumugon ang Dios sa nais ni David, higit na maganda ang ibinigay ng Dios sa kanya. Ipinangako ng Dios na isa sa mga anak ni David ang magtatayo ng templo (1 CRONICA 17:11). Ipinangako rin ng Dios na itatatag Niya ang trono ni David. Ibig sabihin, hindi maaalis kay David at sa kanyang angkan ang paghahari. Nagsimula iyong matupad sa anak niyang si Solomon pero lubusan itong natupad nang dumating si Jesus na siyang maghahari magpakailanman (TAL. 12). Nais ni David na magbigay sa Dios kung ano ang mayroon siya pero walang hanggan ang kayang ibigay ng Dios sa kanya.
Tulad ni David, hangarin nawa nating magbigay sa Dios bilang pagpapakita ng pagmamahal at pasasalamat sa Kanya. Lagi nawa nating makita kung gaano kasagana ang ibinigay ng Dios sa atin sa pamamagitan ni Jesus.