Noong hindi pa kami nagtitiwala kay Jesus, binalak naming mag-asawa na maghiwalay. Pero noong magtiwala na kami kay Jesus, sinikap naming panumbalikin ang pagtingin namin sa isa’t isa. Humingi kami ng tulong sa Banal na Espiritu para baguhin kami. Tinuruan kami ng Dios na mahalin at pagtiwalaan Siya maging ang isa’t isa anuman ang mangyari.
Pero kahit malapit na ang ika-25 taon naming pagsasama, nawawala minsan sa isip ko kung paano kami tinulungan ng Dios noong dumaranas kami ng problema. Hindi ko pa rin maiwasang matakot at mabalisa sa mga hindi pa naman nangyayari.
Sa Deuteronomio 1, pinatotohanan ni Moises na mapagkakatiwalaan ang Dios. Hinikayat ni Moises ang mga Israelita na magtiwala sa Dios para masiyahan sila sa mga ipinangako ng Dios sa kanila (TAL. 21). Pero bago sila tuluyang magtiwala, gusto muna nilang malaman kung ano ang haharapin nila at kung ano rin ang magiging pakinabang nito sa kanila (TAL. 22-33).
Kahit ang mga nagtitiwala kay Jesus ay nababalisa pa rin. Ang pagkabalisa ay maaaring magpahina sa ating pananampalataya at maaari ring makasira sa ating relasyon sa Dios at sa ibang tao. Gayon man, nariyan ang Banal na Espiritu para ipaalala ang mga nagawa na ng Dios na nagpapatunay ng Kanyang katapatan. Matutulungan tayo ng Banal na Espiritu upang lalo tayong magtiwala sa katapatan ng Dios sa lahat ng panahon.