Si Ruth ay mahigit 80 taong gulang na ngayon. Marami na siyang hindi kayang gawin dahil sa katandaan. Kung titingnan siya, mukhang hindi siya maituturing na maipluwensiya sa grupo naming mga nagtitiwala kay Jesus.
Gayon pa man, kapag ikinukuwento na niya sa amin kung paano siya iniligtas ng Panginoon, maituturing siya na isang buhay na patotoo. Noong mga nasa tatlumpung taon pa lang si Ruth, inimbitahan siya ng kanyang kaibigan sa isang pagtitipon. Hindi inaasahan ni Ruth na sa pagtitipon na iyon ay makakarinig siya ng Salita ng Dios. Nasabi niya tuloy, “Kung alam ko lang, hindi na sana ako nagpunta.” Miyembro na si Ruth noon ng isang relihiyon at pakiramdam niya’y wala namang maidudulot ang pakikinig niya sa pastor. Ngunit nakinig na rin siya at nagtiwala kay Jesus noong gabi ring iyon.
Hanggang ngayon, madalas pa rin siyang naiiyak kapag ipinahahayag niya ang ginawang pagbabago ni Jesus sa Kanyang buhay.
Hindi mahalaga kung parehas man o hindi ang kuwento ng buhay ni Ruth sa atin. Ang mahalaga ay kung paano natin maipahahayag sa iba ang ating pananampalataya. Sinabi ni Apostol Pablo, “Kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay Siyang muli ng Dios mula sa mga patay, ay maliligtas ka” (ROMA 10:9).
Nagtiwala si Ruth kay Jesus. Maaari ka ring magtiwala kay Jesus. Siya lamang ang makakapagligtas at makakapagpabago sa atin.