“Itago na ang lahat ng gamit n'yo at kumuha ng lapis at papel." Kinakabahan na ako kapag sinabi na ito ng aking guro. Hudyat na kasi iyon na magsisimula na ang pagsusulit.
Sa Marcos 4, mababasa natin na nagsimula ang araw ni Jesus sa pagtuturo sa tabi ng dagat (TAL. 1) at natapos sa isang pagsubok na nangyari sa gitna ng dagat (TAL. 35). Ang bangka na tinuntungan ni Jesus sa Kanyang pagtuturo ang siya ring sinakyan Niya at ng Kanyang mga alagad sa kanilang pupuntahan. Habang naglalayag, nagkaroon ng malakas na bagyo (TAL. 37). Ginising si Jesus na noo'y natutulog sa hulihan ng bangka ng Kanyang mga alagad. Sabi nila, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” (TAL. 38). Kung noong umaga ay inutusan ni Jesus ang mga tao na makinig sa Kanya (TAL. 3), noong gabi nama’y inutusan Niya ang malakas na hangin na tumigil (TALATANG 39).
Sumunod ang malakas na hangin sa utos ni Jesus. Dahil doo’y natakot at namangha ang mga alagad Niya at napatanong, “Sino kaya ito?” (TAL. 41 asd). Maganda ang tanong nilang ito pero matagal pa bago nila lubusang naunawaan na si Jesus nga ang Anak ng Dios. Ang mga tanong ng mga tao mula noon hanggang ngayon tungkol kay Jesus ay may iisang kasagutan, higit pa Siya sa isang guro na nararapat pakinggan. Siya ang Dios na karapat-dapat na sambahin.