Noong una kong makita ang sanggol, hindi ko napigilang maiyak. Ang ganda sana nitong pagmasdan, kaya lang, wala na itong buhay.
Nang mamatay ang sanggol, sumulat sa amin ang ina nito. Sinabi niya, “Napakasakit ng pangyayaring iyon para sa amin. Pero ipinakita ng Dios ang pagmamahal Niya sa amin. Naging makabuluhan ang buhay ng aming anak dahil natuto kaming magtiwala nang lubos sa Dios.”
Naipakita sa buhay ng sanggol na dapat tayong umasa sa Dios sa lahat ng bagay lalo na sa mga masasaklap na pangyayari sa ating buhay. Nagpapalakas ng ating loob ang katotohanang tutulungan tayo ng Dios kapag tayo’y nasasaktan. Higit kaninuman, alam ng Dios ang pakiramdam na mamatayan ng isang Anak.
Sa ating nararanasang pagsubok, maaaring makapagpalakas ng loob natin ang Awit 13 na isinulat ni Haring David. Dumanas din kasi siya ng matinding pagsubok. Sinabi ni David, “Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin at ang lungkot sa puso kong gabi’t araw titiisin?... huwag hayaang mamatay, lakas ko’y panumbalikin” (TAL. 2-3 MBB). Sa Dios ipinagkatiwala ni David ang mga tanong niya sa buhay na hindi niya maintindihan. Sabi niya, “Nananalig ako sa pag-ibig Mong wagas, magagalak ako dahil ako’y ililigtas” (TAL. 5 MBB).
Magagawa ng Dios na maging makabuluhan ang mga masasamang pangyayari sa ating buhay.