Sa isang pagtitipon, may mga nakausap ako na nagmulat sa isipan ko. Ang una kong nakausap ay ang pastor na nakulong dahil sa kasalanang hindi naman niya ginawa. 11 taon pa ang hinintay niya bago siya nakalaya. Sunod kong nakausap ang ilang pamilyang dumanas ng pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya. Nagbayad sila ng napakalaking halaga para tulungan silang makatakas sa kanilang bayan pero niloko lang sila ng mga ito. Gayon pa man, nailikas pa rin sila sa ibang lugar. Pero, iniisip nila kung magkakaroon pa ba sila ng lugar na matatawag nilang tahanan.
Makikita sa dalawang sitwasyon ang kawalan ng hustisya. Patunay ito kung gaano kasama ang mundo. Gayon pa man, hindi mananatili ang ganitong kalagayan.
Sinasabi sa Awit 67 na nais ng Dios na ipakilala Siya ng mga sumasampalataya sa Kanya sa mundong naghahangad ng katarungan. Sa gayon, magagalak sila hindi lamang dahil sa pag-ibig ng Dios kundi pati na rin sa Kanyang pagiging makatarungan. Hahatulan ng Dios na may katarungan ang mga bayan at papatnubayan Niya ang mga bansa sa lupa (TAL. 4).
Alam ng mga sumulat ng Biblia na naipapakita ng pagibig ng Dios ang katarungan. Pero, alam din nila na ang katarungan sa mundong ito ay sa hinaharap pa lubusang mararanasan. Hindi pa man ito nangyayari, maaari na nating ipakita sa mga tao ang katarungan ng Dios. Sa gayon, sa muling pagbabalik ni Jesus, makikita Niya “na pinaiiral ninyo ang katarungan at katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos” (AMOS 5:24 ASD).