Minsan, matagal bago sagutin ng Dios ang mga panalangin natin at hindi ito madaling maunawaan.
Iyon ang nangyari kay Zacarias na isang lingkod ng Dios. Minsan, nagpakita sa kanya ang anghel na si Gabriel. Sinabi nito na pinakinggan ng Dios ang panalangin nilang mag-asawa. Magsisilang si Elizabeth ng isang sanggol na lalaki na papangalanan nilang Juan (LUCAS 1:13).
Marahil, ilan taon nang hinihiling ni Zacarias sa Dios na magkaroon ng anak kaya mahirap para sa kanya na paniwalaan ang sinabi ng anghel. Napakatanda na rin noon ng asawa niya para manganak. Pero tinugon pa rin ng Dios ang panalangin ni Zacarias.
Hindi nakakalimot ang Dios. Hindi Niya kinakalimutan ang mga panalangin natin at maaaring ang ilan ay tinugon na Niya bago pa man natin hiniling sa Kanya. Kung minsan, ‘hindi’ ang sagot Niya at kung minsan nama’y ‘hintay lang’. Makakaasa tayong ang Kanyang mga tugon ay laging nakabatay sa pagmamahal Niya sa atin. Hindi man natin lubusang maunawaan ang pamamaraan ng Dios, makakaasa naman tayo na lagi itong mabuti.
Natutunan ito ni Zacarias. Humiling siya ng anak, pero higit pa roon ang ibinigay ng Dios. Ang anak niyang si Juan ang propeta na magbabalita sa pagdating ng Tagapagligtas.
Makikita rin natin sa karanasang iyon ni Zacarias na iba ang oras ng Dios sa atin, kaya patuloy tayong manalangin dahil hindi masasayang ang paghihintay natin.