Habang nasa ibang bansa, nakulong si Linda ng anim na taon dahil sa kanyang nagawang pagkakamali. Nang makalaya, wala siyang mapuntahan. Nawalan siya ng pag-asa. Habang nag-iipon naman ang kanyang pamilya ng pamasahe niya pauwi, may mabait na mag-asawa na kumupkop sa kanya. Binigyan siya ng makakain at matutuluyan. Naitanong niya tuloy kung bakit napakabait ng mag-asawa sa kanya gayong hindi naman nila siya kilala. Ibinahagi sa kanya ng magasawa ang magandang balita na may Dios na nagmamahal sa kanya at nais siyang bigyan ng bagong pagkakataon. Naantig ang puso ni Linda sa kabaitan nila kaya malugod niya silang pinakinggan.
Dahil kay Linda, naalala ko ang kuwento ni Naomi sa Biblia. Namatay ang asawa’t dalawang anak niya at dahil doo’y nawalan rin siya ng pag-asa (RUTH 1). Pero hindi kinalimutan ng Dios si Naomi. Sa pamamagitan ng manugang niyang si Ruth at ng makaDios na si Boaz, naranasan ni Naomi ang pagmamahal ng Dios at binigyan siya ng ikalawang pagkakataon (4:13-17).
Minamahal din tayo ng Dios at nagmamalasakit Siya sa atin. Ipinapakita Niya ito sa pamamagitan ng ibang tao. Makikita natin ang kagandahang loob ng Dios kapag tinutulungan tayo ng iba na hindi naman talaga tayo kilala. Higit sa lahat, nais ng Dios na bigyan tayo ng panibagong simula. Tulad nina Linda at Naomi, kailangan lang nating makita ang pagkilos ng Dios sa ating buhay at isaisip na hindi Siya kailanman tumitigil na pagmalasakitan tayo.