Nagbakasyon sa Japan si Cheung at ang pamilya niya. Bago sila umuwi, plinano nilang kumain muna sa isang kilalang kainan doon. Pero hindi sila natuloy dahil naubos ang oras nila kakahanap. Hindi kasi nakuha ng asawa ni Cheung ang direksiyon papunta roon. Nagalit si Cheung at pinagsabihan ang asawa niya dahil sa pagkakamali nito.
Kinalaunan, pinagsisihan ni Cheung ang masasakit na sinabi niya sa kanyang asawa. Naisip niya na nagkulang din naman siya. Hindi rin niya napasalamatan ang asawa niya sa pagpaplano nito sa kabuuan ng bakasyon nila.
Marami sa atin ang tulad ni Cheung. Kapag galit tayo, kung anuanong masasakit na salita ang nasasabi natin. Gayahin natin ang panalangin ng sumulat sa Awit 141:3, “Maglagay Ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon. Ingatan Mo ang pintuan ng aking mga labi.”
Pero paano natin ito gagawin? Pag-isipan muna natin ang ating mga sasabihin bago magsalita. Isipin din natin kung mabuti at makakatulong ba ang mga sasabihin natin (TINGNAN ANG EFESO 4:29-32).
Kapag ika’y galit o naiinis, maiging tumahimik muna. Idalangin mo sa Dios na gabayan ang mga susunod mong sasabihin at masabi ito sa maayos na paraan. Napakahirap kontrolin ng ating pananalita. Mabuti na lang at nariyan ang Dios para tulungan tayo. Siya ang “nagbibigay sa [atin] ng pagnanais at kakayahan para masunod [natin] ang kalooban Niya” (FILIPOS 2:13 ASD).