Minsan, nanood kami ng kaibigan ko ng pelikulang Apollo 13 na hango sa tunay na buhay. Bago mag-umpisa ang pelikula, bumulong ang kaibigan ko, “Sayang, namatay lahat ng bida.” Inabangan ko ang mga eksena kung saan mamamatay ang mga bida. Patapos na ang pelikula nang mapagtanto ko na biniro lang pala ako ng kaibigan ko. Nakalimutan ko na hindi nga pala sila namatay, na kahit maraming pagsubok ang dinanas ng mga bida, nakauwi naman silang lahat na buhay.
Kapag sumampalataya tayo kay Jesus, malalaman natin kung paano matatapos ang kuwento ng ating buhay. Mabubuhay din tayo. Ibig sabihin, mabubuhay tayo magpakailanman kasama ng ating Ama gaya ng sinasabi sa Biblia. Lilikha ang Dios ng “bagong langit at bagong lupa” (PAHAYAG 21:1). Doon, mainit Niyang sasalubungin ang lahat ng sumampalataya sa Kanya at titira silang kasama Niya nang walang takot at wala nang kadiliman. May pag-asa tayo dahil alam natin ang katapusan ng ating kuwento.
Kung alam natin ang magiging kalagayan natin sa hinaharap, hindi tayo lubusang malulungkot sa tuwing daranas tayo ng matitinding pagsubok dito sa lupa. Mahirap mang pag-usapan ang tungkol sa kamatayan, mayroon tayong kapayapaan dahil alam nating makakasama natin ang Dios magpakailanman. Nakakasabik hintayin ang bagong langit at bagong lupa kung saan mamumuhay tayo sa liwanag ng Dios (22:5).