Inoperahan ako sa puso noon. Pagkatapos kong maoperahan, isinulat ng nars ang kanyang obserbasyon sa akin, “Nagpupumiglas ang pasyente."
Huli na nang malaman niya na kaya ako nagkaganon ay dahil sa kumplikasyon sa aking operasyon. Nanginig nang matindi ang katawan ko. Nakatali ang mga braso ko para hindi ko matanggal ang tubo na nakakabit sa lalamunan ko. Magkahalong takot at sakit ang nararamdaman ko noon. Sa pagkakataong iyon, may isa pang nars na banayad na hinawakan ang kamay ko. Dahil doon, unti-unti akong kumalma.
Alam ng nars mula sa karanasan niya sa iba pang pasyente na makakatulong sa akin ang paghawak niya sa kamay ko. Ang pangyayaring iyon ay magandang halimbawa kung paanong pinapagaan din ng Dios ang loob ng mga sumasampalataya sa Kanya na dumaranas ng paghihirap.
Ang pagpapagaan sa loob ng pasyente ay isang mabisang paraan na ginagawa ng mga tagapag-alaga ng may sakit. Ayon sa 2 Corinto 1:3-4, isa rin ito sa pamamaraan ng Dios. Pinapagaan Niya ang loob natin para pagaanin din natin ang loob ng mga taong dumaranas ng paghihirap tulad natin (TAL. 4-7). Sa pagpapagaan ng Dios ng ating loob, ipinapadama Niya ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin. Maaari rin natin itong ibahagi sa iba kahit sa mga simpleng paraan tulad ng paghawak ng nars sa kamay ko.