Nagdiwang ang asawa ko kailan lang ng kanyang kaarawan na itinuturing niyang isang malaking kabanata sa kanyang buhay. Pinag-isipan kong mabuti kung paano namin ito ipagdiriwang. Humingi rin ako ng tulong sa mga anak ko para talagang maging engrande ang pagdiriwang na maibibigay namin sa kanya. Gusto ko kasing ipadama sa asawa ko na napakaimportante niya sa amin at dahil na rin mahalaga ang kaarawan niyang ito para sa kanya.
Nais naman ni Haring Solomon na magbigay sa Dios nang higit pa sa isang engrandeng kaarawan. Nagpasya si Solomon na magtayo ng templo na karapat-dapat para sa Dios. Alam niyang napakadakila ng Dios kaya nais niya na ang pinakamaganda ang maitayo niya. Humingi pa siya ng tulong sa hari ng Tiro para padalhan siya ng mga magagandang materyales na gagamitin sa pagtatayo ng templo dahil ito ang nararapat para sa Dios (2 CRONICA 2:5). Kahit iniisip ni Solomon na hindi makakapantay sa kadakilaan ng Dios ang gagawin niya, desidido siyang ipatayo ang templo bilang pagpapakita ng kanyang pagmamahal at pagsamba sa Dios.
Tunay na dakila ang Dios sa lahat. Sa dami ng ginawa Niya para sa atin, nararapat lamang na ialay natin sa Kanya ang pinakamagandang maibibigay natin. Alam ni Solomon na hindi makakapantay sa kadakilaan ng Dios ang gagawin niya. Gayon pa man, itinuloy niya pa rin ito nang may kagalakan sa kanyang puso bilang pagsamba niya sa Dios. Gawin rin nawa natin ito para sa Dios.