Nagtatrabaho si Cheryl sa isang kainan. Bilang bahagi ng kanyang trabaho, naghahatid siya ng pagkain sa mga bahay. Minsan, sa halip na sa isang bahay, sa pagtitipon ng mga sumasampalataya kay Jesus siya naghatid.
Nilapitan si Cheryl ng pastor doon at saka siya tinanong, “Hindi madali ang buhay para sa iyo, ’di ba?” Nang sumang-ayon si Cheryl, inabutan siya ng Pastor ng pera na may malaking halaga bilang tulong sa kanya ng mga mananampalataya roon. Nagulat si Cheryl sa ginawa nila. Ang hindi niya alam, bago pa siya maghatid doon, nakiusap ang pastor sa kainan na ang maghahatid sana ng kanilang biniling pagkain ay ang pinakanangangailangan nilang empleyado. Si Cheryl nga ang napiling ipadala. Malaking tulong iyon kay Cheryl dahil mababayaran na niya ang kanyang mga utang.
Ganoon din ang ginawa ng mga mananampalataya sa Macedonia. Hindi sila nag-atubiling tumulong sa kapwa nila mananampalataya sa Jerusalem na dumaranas ng matinding kahirapan kahit nangangailangan din sila (2 COR. 8:1-4). Nais ni Apostol Pablo na tularan ito ng mga taga Corinto. Magsilbi rin nawa itong halimbawa para sa atin. Kapag nagbibigay tayo, nagiging tulad natin si Jesus na iniwan ang karangyaan sa langit para tugunan ang espirituwal na pangangailangan natin (TAL. 9).
Ipinamalita ni Cheryl ang nangyari. Nais niyang tularan ang ginawang pagtulong sa kanya. Kaya, ibinabahagi niya sa iba ang sobra niyang pera. Naluluwalhati ang Dios sa tuwing nagbibigay tayo. Tutularan din tayo ng marami.