Minsan, inuwi namin sa aming bahay ang mahigit isang taong gulang naming apo na si Moriah. Iyon ang unang beses na matutulog siya sa amin na hindi kasama ang mga nakatatanda niyang kapatid. Dahil doon, sa kanya lang namin naibuhos ang lahat ng atensyon at pagmamahal noong araw na iyon. Sinamahan namin siyang maglaro at ginawa namin ang mga gusto niyang gawin. Kinabukasan, nang inihatid na namin siya sa kanila, gusto niyang sumama pabalik sa amin.
Malinaw pa rin sa isip ko ang pangyayaring iyon. Napapangiti ako kapag naaalala ko ang apo kong si Moriah na ayaw nang humiwalay sa amin. Kahit hindi man niya masabi, makikitang nasiyahan siya sa atensyon na natanggap niya mula sa amin. Naramdaman niyang minamahal at pinahahalagahan namin siya. Parang ganoon din ang pagmamahal ng Dios sa atin. Sinasabi sa 1 Juan 3:1, “Tignan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag Niya tayong mga anak ng Dios, at iyan nga ang totoo” (MBB).
Kapag nagtiwala tayo kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, magiging anak Niya tayo. Mauunawaan din natin na inalay ni Jesus ang Kanyang buhay bilang pagpapakita ng lubos Niyang pagmamahal sa atin (JUAN 3:16). Sa oras na magtiwala tayo sa Kanya, magkakaroon tayo ng pagnanais na mahalin Siya at maglaan ng oras para sa Kanya. Magsisikap din tayo na maging kalugod-lugod sa Kanya ang lahat ng ating gagawin (TAL. 6).