Nang magkasakit si Marilyn, marami ang tumulong sa kanya. Nag-alala tuloy siya kung paano niya masusuklian ang lahat ng kabutihang ipinakita nila. Minsan, may nabasa si Marilyn na isang panalangin. Sabi roon, “Idalangin ang kapwa para matutunan nilang magpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na tumulong sa iba, kundi ang matulungan din.” Dahil dito, naisip ni Marilyn na hindi naman kailangang laging suklian ang tulong na ibinibigay sa kanya. Kailangan lang na maging mapagpasalamat at hayaan ang iba na maranasan ang kasiyahang dulot ng pagtulong sa iba.
Ipinaabot naman ni Apostol Pablo ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanyang paghihirap (FILIPOS 4:14). Tinugunan nila ang mga pangangailangan ni Pablo habang itinuturo niya ang Magandang Balita tungkol sa pagliligtas ni Jesus. Alam ni Pablo na ang pagtulong nila ay pagpapakita ng pagmamahal nila sa Dios. Sinabi ni Pablo, “Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Dios na tinatanggap Niya nang may kasiyahan” (TAL. 18 ASD).
Maaaring hindi madaling tanggapin na ikaw ang tinutulungan lalo na kung ikaw ang madalas na tumutulong sa iba. Magpakumbaba tayo at hayaan na ang Dios ang tumugon sa ating mga pangangailangan.
Sinabi rin ni Pablo, “Ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan n’yo” (TAL. 19 ASD). Ito ang natutunan ni Pablo noong mga panahong naghihirap siya. Tapat ang Dios at walang hangganan ang pagpapalang kaya Niyang ibigay sa atin..