Kapag naglalaro ang mga bata ng taguan, akala nila na nakapagtago na sila kapag tinakpan ang kanilang mga mata. Dahil hindi na sila nakakakita, iniisip nila na hindi na rin sila makikita ng kalaro nila.
Sa tingin natin, patay malisya ang mga batang iyon. Pero minsan, nagagawa rin natin na parang nagtatakip tayo ng mata sa harap ng Dios. Kapag may gusto tayong gawin na alam nating mali, ipinapalagay na lang natin na hindi tayo nakikita ng Dios.
Nalaman ni propeta Ezekiel ang katotohanang ito nang magbigay ang Dios ng mensahe para sa mga Israelita na bihag sa Babilonia. Sinabi ng Dios kay Ezekiel, “Nakita mo ba kung ano ang lihim na ginagawa ng mga namamahala ng Israel?…Sinasabi nilang hindi na nakatingin sa kanila ang Panginoon” (EZEKIEL 8:12 ASD).
Pinatutunayan ni Ezekiel na walang makakapagtago sa Dios. Kahit nagkasala ang mga Israelita, binigyan pa rin ng Dios ng pag-asa ang mga nagsisi sa pamamagitan ng bagong pangakong ito, “Bibigyan Ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu” (EZEKIEL 36:26 ASD).
Dahil sa awa ng Dios, iniligtas Niya tayo sa kaparusahan sa kasalanan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Jesus sa krus. Bibigyan din tayo ng Dios ng bagong buhay at babaguhin Niya ang puso natin habang sumusunod tayo kay Jesus. Napakabuti talaga ng Dios. Noong tayo’y naliligaw ng landas at nagtatago dahil sa ating mga kasalanan, lumapit ang Dios sa atin sa pamamagitan ni Jesus para tayo’y hanapin at iligtas (LUCAS 19:10, ROMA 5:8).