Sa bakuran namin ay may isang napakatandang puno. Sa tingin nami’y malapit na itong mamatay kaya tumawag kami ng dalubhasa sa mga puno. Mahalaga kasi sa amin ang punong iyon. Sabi ng dalubhasa, parang nababalisa raw ang puno at kailangang may gawin kami agad para bumuti ang kalagayan nito. Dumagdag pa tuloy ito sa aming mga alalahanin.
May mga panahon na marami tayong alalahanin. Nag-aalala tayo sa mga nangyayari sa ating paligid, mga bagay na tungkol sa ating pamilya, negosyo at kalusugan. Sa kabila ng mga alalahaning iyon, ipinangako ni Jesus na bibigyan Niya ng kapayapaan ang lahat ng magtitiwala sa Kanya. Sinabi Niya, “Ang Aking kapayapaan ay ibinibigay Ko sa inyo” (JUAN 14:27).
Nakaranas din si Jesus ng mga problema noong nandito pa Siya sa lupa. Marami ang kumakalaban sa Kanya. Hindi rin maintindihan ng pamilya at mga kaibigan Niya ang ilang ginagawa Niya. Sa kabila ng mga iyon, walang mababakas na anumang pag-aalala o pagkatakot sa Kanya. Laging payapa ang Kanyang kalooban. Ang kakayahang hindi mag-alala sa anumang nangyayari ay ang kapayapaang ibinibigay sa atin ng Dios. Iyon mismo ang Kanyang kapayapaan.
Anuman ang ating ipinag-aalala, maaari tayong dumalangin kay Jesus. Mailalapit natin sa Kanya ang lahat ng ating alalahanin at ikinakatakot. Sinabi ni apostol Pablo na ang kapayapaan ng Dios ang siyang “mag-iingat ng [ating] mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus” (FILIPOS 4:7). Sa kabila ng mga problema, mararanasan natin ang kapayapaan ni Jesus.