Noong maliliit pa ang mga anak namin, gustong-gusto nilang saluhin ang mga butong nahuhulog mula sa puno ng aming kapitbahay. Mukhang umiikot na elesi ang mga butong iyon habang nahuhulog sa lupa. Pero hindi umiikot ang buto para lumipad kundi para mahulog sa lupa at tumubong muli.
Bago naman ipako sa krus si Jesus, sinabi Niya sa mga tagasunod Niya, “Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin…maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito’y mamatay ay nagbubunga ng marami” (JUAN 12:23-24).
Nais ng mga tagasunod ni Jesus na parangalan Siya bilang kanilang Hari o Mesiyas. Pero pumarito si Jesus upang ibigay ang Kanyang buhay para tayo’y mapatawad at mabago sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya. Sinabi ni Jesus, “Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito alang-alang sa Akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ang sinumang naglilingkod sa Akin ay dapat sumunod sa Akin; at kung nasaan Ako, naroon din Siya. Ang sinumang naglilingkod sa Akin ay pararangalan ng Ama” (JUAN 12:25-26 ASD).
Ang pagkahulog ng mga buto ay tulad ng nangyari sa ating Tagapagligtas na si Jesus. Namatay Siya para sa atin nang sa gayo’y mabuhay tayo para sa Kanya.