Minsan, habang nasa dalampasigan ako, pinanonood ko ang mga taong nagka-kite surfing. Nakasakay sila sa malapad na kahoy habang hinihila ng malaking saranggola. Sa tulong ng malakas na hangin, mabilis silang umaandar at tumatalbog-talbog sa ibabaw ng dagat. Tinanong ko ang isa sa kanila kung mahirap ba ang ginagawa nila. Sagot nito, "Hindi, mas madali pa nga ito kaysa sa mga nagsusurf na walang gamit na saranggola. Malaking tulong talaga ang pag-ihip ng malakas na hangin."
Habang iniisip ko kung gaano kalaki ang naitutulong ng hangin, napahinto ako para alalahanin ang kadakilaan ng ating Dios na Manlilikha. Makikita sa Lumang Tipan ng Biblia na ang Dios ang nag-anyo ng mga bundok at lumikha ng hangin (AMOS 4:13).
Sa pamamagitan ni propeta Amos, pinaalalahanan ng Dios ang mga Israelita na kailangan nilang muling magtiwala sa Kanya. Dahil sumuway sila sa Dios, sinabi Niyang Siya na mismo ang "mamamahala sa buong mundo" (TAL. 13 asd). Kahit makikita natin ang paghatol ng Dios sa bahaging ito, makikita naman sa ibang bahagi ng Biblia ang pagmamahal ng Dios sa pamamagitan ng pagsugo Niya sa Kanyang Anak para iligtas tayo (TINGNAN ANG JUAN 3:16).
Ipinapaalala sa akin ng pag-ihip ng hangin ang kadakilaan ng Dios. Kapag naramdaman mo ang pagdampi ng hangin, huminto ka muna at namnamin ang kadakilaan ng ating pinakamakapangyarihang Dios.