Ang West Highland Terrier ay isang uri ng aso na mahilig maghukay at kalabanin ang kaaway nito sa kanilang tinitirhan. Nagkaroon kami ng ganoong uri ng aso. Minsan, may nakita itong insekto na pumunta sa ilalim ng lupa. Sa kagustuhan nito na mahanap ang insekto, hinukay niya ang lupa. Hindi namin siya mapigil kaya umabot sa ilang talampakan ang nahukay niya para lang mahanap ang insekto.
Bakit naman kaya tayong mga tao ay hindi rin mapigil sa mga gusto nating gawin? Bakit gustong-gusto nating akyatin ang mga bundok na hindi pa naaakyat ng kahit na sino? Bakit gusto nating gawin ang iba pang bagay na makakapagpasaya sa atin kahit labis itong mapanganib? Likas na ito sa ating mga tao pero ang Dios talaga ang nagtanim nito sa ating puso. Dahil dito, nanaisin din natin na hanapin ang Dios.
Ang sabi naman ng manunulat na si Mark Twain, “Maaaring hindi n’yo alam kung ano talaga ang gusto n’yo. Gayon pa man, gusto n’yo pa rin itong gawin kahit ikamatay n’yo pa.” Hindi natin alam kung bakit hindi tayo mapigil sa gusto nating gawin. Ang alam lang natin ay may hinahanap tayo.
Ang Dios ang tunay na tahanan ng ating mga pusong naghahanap. Sinabi ni Augustine, “Panginoon, nilikha N’yo kami para po sa Inyo, at hindi mapapalagay ang aming puso hangga’t hindi namin ito isinusuko sa Inyo.”
Tanging ang Dios lamang ang makapupuno sa ating mga
puso.