Nakilala ni Denise sa pagtitipon nilang mga nagtitiwala kay Jesus ang isang babaeng lugmok sa problema. Naawa si Denise kaya tinulungan niya ito. Linggu-linggo siyang gumugugol ng oras para payuhan at manalangin kasama niya. Pero kahit siya ang tumutulong sa babae, hindi iyon napansin ng mga namumuno sa kanilang pagtitipon kaya humanap sila ng ibang tutulong sa babae. Pero walang ibang tumulong.
Hindi naghihintay si Denise na mapansin ang ginagawa niya, hindi niya mapigilang madismaya. Sinabi niya, “Para kasing wala akong nagagawa.”
Ngunit isang araw, sinabi ng babae kay Denise na lubos ang pasasalamat nito sa ginawa niyang pagdamay sa kanya. Nagpasigla ito kay Denise na parang sinasabi ng Dios sa kanya, “Alam Kong nariyan ka para sa kanya.” Patuloy na tinulungan ni Denise ang babaeng iyon.
Minsan, naiisip din natin na hindi napapahalagahan ang mga ginagawa natin. Gayon pa man, ipinapaalala sa atin sa Biblia na alam ng Dios ang mga ito. Nakikita Niya ang hindi nakikita ng iba. At nasisiyahan Siya kapag naglilingkod tayo alang-alang sa Kanya at hindi para mapansin o mabigyan ng parangal.
Ito marahil ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus na kung magbibigay tayo, gawin natin ito ng lihim “at ang [ating] Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan [tayo]” (MATEO 6:4). Hindi natin dapat asamin na mapansin at mapapurihan ng ibang tao. Magalak tayo sa katotohanang alam ng Dios ang ating tapat na paglilingkod sa Kanya.