Nang iuwi namin sa bahay ang aming batang inampon, desidido kaming mahalin siya at ibigay ang lahat ng kanyang pangangailangan. Isa na rito ang makakain siya nang maayos. Pero kahit ginawa na namin ang lahat, hindi pa rin naging maayos ang kanyang kalusugan. Tatlong taon pa ang lumipas bago ko nalaman na may mga pagkain pala na hindi kayang tanggapin ng katawan niya. Kaya, nang hindi na namin pinakain ang mga iyon, lumusog at lumaki siya sa loob lamang ng ilang buwan. Nalungkot man ako na pinakain ko siya ng pagkaing bawal sa kanya nang hindi ko sinasadya, masaya naman ako dahil maayos na ang kanyang kalusugan.
Marahil ganoon din ang naramdaman ni Haring Josias nang matagpuan ang Aklat ng Kautusan pagkatapos na mawala ito sa templo ng maraming taon. Nalungkot siya dahil hindi niya sinasadyang makaligtaan ang pinakanais ng Dios para sa mga Israelita (2 HARI 22:11). Kahit na noon pa ma’y nasusunod na niya ang Dios, natutunan niya ngayon kung paano higit na mapaparangalan ang Dios (TAL. 2). Sa bago niyang nalaman, pinangunahan niya ang mga Israelita na sumambang muli sa Dios bilang pagsunod sa Kautusan (23:22-23).
Habang natututunan natin sa Biblia kung paano pararangalan ang Dios, maaaring malungkot tayo sa mga panahong hindi natin Siya napararangalan. Gayon pa man, hindi tayo dapat labis na malungkot. Palalakasin ng Dios ang ating loob at gagabayan na maisapamuhay ang ating mga bagong nalaman.