Ilang libong taon na ang nakakaraan, nagtatag ang Dios ng bagong kapistahan para sa mga Israelita at sinabi Niya ito kay Moises. Ayon sa isinulat ni Moises sa Exodo 23, sinabi ng Dios, “Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Pag-ani sa pamamagitan ng pagdadala ng mga unang ani ng inyong bukid” (TAL. 16 ASD).
Sa panahon ngayon, ipinagdiriwang din sa iba’t ibang bansa ang masaganang ani sa kanilang lugar. Sa bansang Ghana, ipinagdiriwang ang Yam Festival. Ipinagdiriwang din sa Brazil ang Dia de Acao de Gracas at Thanksgiving naman sa Amerika.
Para mas maunawaan natin kung bakit dapat ipagdiwang ang tag-ani, alalahanin natin ang nangyari kay Noe pagkatapos ng baha. Ipinaalala ng Dios kay Noe at sa pamilya nito ang Kanyang masaganang biyaya kung kaya’t sagana tayong namumuhay dito sa mundo. May iba’t ibang panahon tulad ng “paghahasik at pag-aani” (GENESIS 8:22). Ang panahon ng masaganang ani na siyang pinagkukunan ng ating makakain ay sa Dios lamang dapat ipagpasalamat.
Saan mang lugar tayo naroroon o paano man natin ipagdiwang ang masaganang ani sa ating lugar, maglaan tayo ng panahon para pasalamatan ang Dios. Kung hindi dahil sa Kanyang magandang pagkalikha sa mundo, wala tayong maipagdiriwang na tag-ani.