Minsan, habang papasok ng eroplano, nasa bandang hulihan ako ng pila. Nang nasa loob na ako, iilan na lang ang bakanteng upuan. Nakakuha naman ako ng puwesto sa bandang gitna. Pero, kinailangan kong ilagay ang bagahe ko sa dulo dahil iyon na lang ang bakante na mapaglalagyan. Ang problema nga lang, kailangan ko munang hintaying makadaan ang lahat bago ko makuha ulit ang bagahe ko sa oras ng babaan.
Nang makaupo na, may sumagi sa isip ko na tila galing sa Panginoon: “Wala namang mawawala kung maghihintay ka, makabubuti pa nga ito sa’yo.” Nang mga oras na iyon, napagpasyahan ko na gugulin ang oras ng paghihintay sa pagtulong sa iba. Kaya noong babaan na, tinulungan ko muna ang ibang pasahero sa pagkuha ng bagahe nila at tumulong na rin sa paglilinis. Natawa ako nang mapagkamalang empleyado rin sa eroplanong iyon.
Sa naranasan kong iyon, naisip ko ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Kung sinuman ang nagnanais na maging una, siya’y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat” (MARCOS 9:35).
Naghintay ako noon dahil kinailangan, pero ang mga kusang inihuhuli ang sarili at inuuna ang kapakanan ng iba ang pararangalan ni Jesus.
Sa panahon ngayon, ang unahin ang sarili ang laging iniisip ng marami. Pero iba si Jesus, pumarito Siya sa mundo “hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng [Kanyang] buhay para maligtas ang maraming tao” (MATEO 20:28 asd). Dapat nating tularan si Jesus na inuuna ang kapakanan ng iba.