“Ilang tulog na lang po ba bago mag Pasko?” Ito ang madalas itanong ng mga anak ko noong maliliit pa sila. Inip na inip sila sa paghihintay kahit nakikita nila sa kalendaryo na malapit na ang araw ng Pasko.
Mapapansin natin na mahirap para sa mga bata ang maghintay. Pero hindi lang sila ang nahihirapang maghintay. Mahirap din ito para sa lahat ng mga sumasampalataya sa Dios. Halimbawa nito ang ginawang paghihintay ng mga mananampalataya noon na matupad ang ibinalita ni propeta Mikas. Sinabi ni Mikas na magmumula sa Bethlehem ang magiging pinuno ng bansang Israel (MIKAS 5:2). Pamamahalaan ng pinunong iyon ang Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Dios (TAL. 4). Pagkalipas ng 700 taong paghihintay, isinilang si Jesus sa Bethlehem (MATEO 2:1). Noon pa lang nagsimulang matupad ang sinabi ni Mikas, pero sa hinaharap pa ito lubos na matutupad.
Naghihintay naman ngayon ang mga mananampalataya sa pagbabalik ni Jesus, kung saan mamumuhay ang lahat nang mapayapa (MIKAS 5:4). Magagalak tayo sa araw na iyon dahil matatapos na ang matagal nating paghihintay.
Hindi madaling maghintay, pero makakaasa tayo sa ipinangako ng Dios na sasamahan Niya tayo habang naghihintay (MATEO 28:20). Kaya nga isinilang si Jesus para bigyan tayo ng isang makabuluhang buhay (TINGNAN ANG JUAN 10:10). Isang buhay na wala nang kahatulan. Nasisiyahan tayo ngayon na kasama natin si Jesus habang hinihintay ang muli Niyang pagbabalik.